Para mapaigiting ang social distancing: Mobile palengke, umarangkada na sa Pasig City

994

PASIG CITY – Umarangkada na nitong Miyerkoles ang mobile palengke na maglilibot sa  siyudad para maibsan ang mga taong pumupunta sa mega market o talipapa.

Layunin ng proyekto na mapaigting pa ang social distancing bilang hakbang kontra sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa halip na lumayo pa ang mga residente, pupwesto raw ang mobile palengke sa paligid ng kani-kanilang lugar.

“Presyong palengke, mas malapit sa mamimili at tulong na rin sa mga maninindang Pasigueno,” sabi ni Mayor Vico Sotto na ipinost sa Facebook page ng Pasig City Public Information Office.

"Upang mabawasan ang dami ng tao sa Pasig Mega Market at mga talipala, inilunsad namin ang MOBILE PALENGKE.Presyong…

Posted by Pasig City Public Information Office on Tuesday, March 24, 2020

Galing raw sa Pasig Mega Market ang mga ibebentang bigas, gulay, at karne kaya tiyak daw na ligtas at fresh ito.

Alas otso ng umaga nang nagsimulang umikot ang limang mobile palengke sa mga barangay ng Bagong Ilog, Kapitolyo, Pinagbuhatan, Pineda, at San Miguel.

Kada araw ay magbabago ang itinakdang schedule para siguradong mapupuntahan pa ang iba pang barangay sa lungsod.

Paalala naman ng alkalde sa mga mamimili, panatilihin ang isang metrong distansya sa bawat isa.

Dalawampu’t anim na positibong kaso ng COVID-19 ang naitala sa siyudad kung saan dalawa ang namatay, ayon sa huling datos ng Department of Health.