‘Love conquers all’: Kasal ng magkasintahang health worker, idinaos sa ospital

543

Sa gitna ng pinalawig na enhanced community quarantine, natuloy pa rin ang palitan ng “I Do” ng magkasintahang health worker mula sa Visayas.

Pero imbis na simbahan o munisipyo, sa loob ng conference room ng Bacolod Adventist Medical Center idinaos ang pag-iisang dibdib nina Jim Rhod Gerona, 36, at Jerahcel Mae Torrentira, 30.

Ikinasal ang dalawa noong Abril 8, Miyerkoles, na parehong nagtratrabaho sa nasabing ospital.

INNITY ADS

Naka-destino si Jim sa diagnostic department ng BAMC habang naka-assign naman si Jerahcel sa records section.

Pumunta sa seremonyas ang isang pastor, wedding photographer, at apat na principal sponsor.




Kita sa kuhang litrato ni Jonie Semeros na nakasuot ng face mask sina Jim at Jerahcel, maging ang mga dumalo.

Umiiral din sa pagtitipon ang physical distancing kung saan isang metro ang layo ng bawat bisita.

Isinagawa naman ang post-nuptial photoshoot sa iba’t-ibang parte ng pagamutan.

Magugunitang ipinagbawal ang mass gathering bilang prokteksyon sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dahil dito, inirekomenda ng awtoridad na kung puwede ay ipagpaliban muna ang pagpapakasal o limitahan na lang ang mga pupunta sa pagtitipon habang ipinatupad pa ang enhanced community quarantine.

(PHOTO COURTESY OF JONIE SEMEROS)