‘Alkansya ng kawanggawa’: Barya-baryang ipon ng isang grade school student, nakatulong sa 150 pamilya

1536

Dahil sa bulisak na puso, malayo ang narating ng barya-baryang ipon sa alkansya ng isang estudyante sa Bacolod City.

Nagsimula ang kawanggawa ni Jerik “Ninio” Paiwas nang matanggap ang mensahe ng kaklase sa Education Training Center School 1 na humihingi ng tulong pangkain.

Ayon sa Facebook post ng Department of Education (DepEd), hindi nagdalawang-isip ang estudyante na itulong sa kamag-aral ang nakuhang premyo sa taekwondo competition, ngunit ang kaso, naibayad na pala ito ng kanyang nanay Nancy sa training sa sasalihang Regional Athletic Meet.

Pero ‘di nagbago ang kagustuhan nitong tumulong, kaya naman binuksan niya ang alkansya at ginamit ang laman nitong P1,200 na plano niya raw sanang ipambili ng mga regalo sa Pasko.

“Natuwa ako sa ginawa ng anak ko kaya kinuhanan ko siya ng picture at sinend ko sa mga kamag-anak at kaibigan namin,” kuwento ni Nanay Nancy.




Ikinatuwa rin ito ng kanilang mga kaanak na nag-ambag na rin sa alkansya ni Ninio — kaya mula sa isa, ay umabot sa 150 na pamilya ang naabutan nila ng relief goods.

ALKANSYA NG KAWANGGAWA | Sinong mag-aakala na ang isang alkansya ay susi para makatulong sa mga kapus-palad na kababayan…

Posted by DepEd Philippines on Friday, April 24, 2020

Kuwento ni Nancy, sadyang matulungin ang bata na isa ring sakristan.

Sa katunayan, malaking bahagi raw ng napanalunan ni Ninio sa isang kompetisyon sa Korea noong 2018 ay itinulong niya sa batang mahihirap.

Noong nakaraang Pasko naman, binigay niya rin ang kanyang ipon sa tindera ng prutas na nanay ng isa niyang kaklase bilang dagdag puhunan.

“Noong lumaban kasi siya sa Korea, namigay ang mga schoolmate niya ng mga barya-barya bilang suporta sa kanya,” aniya.

“Napakalaking tulong ‘yun noon para sa amin. Kaya natutuwa kami na marunong magbalik si Ninio ng blessings.”