74-anyos babae sa S.Korea, higit 150,000 lata ng Coke na ang nainom sa nagdaang 40 taon

4350
Screenshot from YouTube channel X SBS

Isang 74-taon-gulang na babae sa South Korea ang napaulat na nakaka-10 lata ng Coke kada araw sa loob ng 40 taon, na kung susumahin ay halos 150,000 lata o 37,500 litro.

Sa dokumentaryo ng YouTube channel na X SBS nitong Pebrero ngayong taon, sinabi ng babae na nagsimula siyang magpakalunod sa Coke noong pumanaw ang kanyang asawa.

Mas tumindi umano ang kanyang adiksyon nang ang anak niyang lalaki naman ang mamatay sa isang aksidente sa daan.

INNITY ADS

Bagaman nakasasama ang sobra-sobrang sugary drinks, iginiit ng matanda na positibo ang naidudulot nito sa kanyang pangangatawan.

Para sa 74-anyos, mabisang remedyo sa sinok ang naturang soft drink at pampawi niya rin ng antok, pagod, at gutom.




Nang ipasuri ng X SBS ang senior, napag-alaman na normal ang kanyang blood test, ngunit nakitaan siya ng minor stomach and duodenal ulcerations, na ayon sa doktor ay magiging problema katagalan.

Hindi naman malinaw kung ang Coke ang sanhi ng ulcers, pero sinabi ng babae na susubukan niya nang bawasan ang pag-inom nito araw-araw.