Anak ng magsasaka, unang nakapagtapos ng kolehiyo sa pamilya, Top 9 sa criminology licensure exam

739
Adrian Mandawe. Photo via Facebook

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur — Bagaman sapat lang ang pera para sa 15 araw sa review center, nasungkit ng isang anak ng magsasaka ang ika-siyam na puwesto sa Criminology Licensure Examination (CLE), kamakailan.

Si Adrian S. Mandawe, mula sa bayan ng Dimataling, Zamboanga del Sur, ang kauna-unahan sa kanilang pamilya na nakapagtapos ng kolehiyo.

Nakakuha ng 89.9 passing rate ang 21-anyos alumnus ng Western Mindanao State University-Pagadian External Studies Unit.

INNITY ADS

Dahil walang sapat na pondo para sa buong review course, sariling sikap ang pag-aaral ni Mandawe, 12 oras bawat araw, sa loob ng limang buwan, bilang paghahanda sa licensure exam.

Kuwento niya, 15 araw lang siyang pumasok sa review center, na nagkahalaga na agad ng P8,000, dahil ito lang ang kinaya ng kanyang pamilya.




Si Mandawe ay ika-anim sa walong magkakapatid na itinaguyod ng mga magulang na magsasaka.

Pangarap ng binata na maiangat ang buhay ng buong pamilya.

Sa katunayan, hinangad ni Mandawe na manguna sa board exam na ginanap nakaraang Nobyembre sa Cagayan de Oro City.

Gayunpaman, nagpapasalamat siyang napabilang sa top 10.

Payo ni Mandawe, “Aim high kay walang bayad ang pangandoy.” (Aim high, dahil libre lang mangarap.)

Para sa kanya, dapat pagtuunan ang pag-aaral at iwasan ang bisyo.

Pero higit sa lahat aniya, “Salig sa Ginoo.” (Magtiwala sa Diyos.)