ALAMIN: Mga maaaring gawin para hindi mabagot habang naka-home quarantine

936
(Unsplash)

Nakatulala ka na naman. Bakit, ubos na ba ang today’s list mo? Nakakabagot diba? Tunay na nakakapagod magka-busy pero mas nakakapagod pala talaga kapag walang ginagawa. Nakakapagod mag-travel sa buong bahay kasi lahat ng parte napuntahan mo na! Pero wait, di naman diyan natatapos ang lahat. Kung akala mo hanggang diyan ka na lang sa mga darating pang araw, nagkakamali ka! Mayroon akong good news para sa’yo.

Simula nang ipalaganap ang community quarantine sa ilang parte ng bansa dahil sa mabilis na pagkalat ng coronavirus (COVID-19), tila naging mahirap na para sa karamihan ang bawat araw lalo na noong magkaroon ng curfew, nawalan ng public transpo, at maging ang ilang manggagawa ay natengga na sa loob ng bahay  na tila walang magawa dahil ipinagbabawal na rin ang paglabas.

Nakalulungkot man pakinggan ngunit wala naman tayong ibang pwedeng gawin kundi ang sumunod at maging katuwang ng solusyon at hindi ng problema.

Dahil matagal-tagal pa na ganito ang sitwasyon, ano ba ang mga pwede nating gawin para maiwasan ang pagkabagot sa ganitong panahon? Paano mo makukuha ang #MeTime na matagal mo nang hinahangad! Ito na yun at dahil diyan, narito ang ilang “Me Time” tips sa panahon ng quarantine.

  • Mag-ehersisyo

Turn the TV on at makisabay na sa Zumba na maaari mong mapanood online. Kaunting galaw para mawala ang mga katamaran sa katawan. Hindi mo na kailangang kabisaduhin ang steps dahil may paggagayahan ka na.

(Photo from Unsplash)

Pwedeng-pwede rin namang mag-jogging nang hindi umaalis sa puwesto, ilang minuto with your outfit attire hanggang maramdaman mo na ang pawis sa buong parte ng iyong katawan. Sa panahon ngayon, mas kinakailangan mong panatilihin ang kalusugan ng iyong katawan. Huwag puro tulog, mas nakakapagod yan!

 

  • Magbasa-basa habang may mainit na kape

Sa tahimik na panahon gaya nito, mas masarap magbukas ng libro at maghanap ng kwentong kahuhumalingan mo sa loob ng ilang araw. Sabayan mo ng mainit na kape, siguradong makakatulong para mawala ang stress at bagot mo. Makisabay at buksan ang imahinasyon habang ikaw ay naglalakbay sa kwentong binabasa iyong binabasa.

Malaki ang maitutulong ng pagbabasa sa iyong mentalidad imbes na pagtuunan ng pansin ang takot at pag-aalala. Kung kaya mong bigyan ng lakas ang iyong pisikal na pangangatawan, huwag mo ring kalimutang bigyan ng kapayapaan ang iyong isip sa panahon ng krisis.

 

  •  Manood ng pelikula

Kung hindi mo naman hilig ang pagbabasa at medyo may kalabuan na rin ang mata, maghanap ng mga palabas na makakapagbigay-saya sayo. Tumingin lang mga pelikulang hatid ay positive vibes. Kung trip mong tumawa nang tumawa dahil hindi ka naman makagala kasama ng iyong mga kaibigan, maghanap ng mga palabas ng mga sikat na komedyante gaya nina Vice Ganda at Vic Sotto.

Kung nais mo naman ay pangmatagalan, simulan mo na ring maadik sa mga Korean drama series na patok na patok ngayon sa mga Pinoy gaya ng Crash Landing on You at Kingdom.

 

  • Magluto ng sariling recipe

Kung wala kang ibang magawa, why not try na magluto ng sarili mong recipe? Hindi lang ikaw ang makakatikim kundi ang iyong buong pamilya. Kung noon, wala kang oras para magluto for them, this is the time! Hindi na nasayang ang oras mo, nalamanan pa ang kumakalam mong sikmura.

 

  • Quality time kasama ang pamilya

Para naman maiwasan ang boring na araw, huwag mo namang kalimutang maging masaya sa kabila ng krisis. Kasama ng iyong buong pamilya, bakit hindi mo subukang makipagkwentuhan, makipaglaro, makipagkulitan, o kung trip nyo namang baguhin ang ayos ng inyong bahay, sama-sama kayong magkaroon ng general cleaning.

Kung gusto mo naman subukang mag-ala artista, huwag ka nang mahiya at subukan nang makipag-TikTokan sa social media! Marami ang nahuhumaling ngayon sa app na ito dahil nakakawala raw ng pagod at lungkot habang nasa loob ng bahay. Kaya i-try mo na rin, wala namang masama. Huwag kang magpadala sa badvibe na hatid ng COVID-19, ngayon mo mas kailangang maging positibo at maging masaya.

 

  •  Panatilihing malakas at malusog ang pangangatawan

 

Hindi biro ang krisis na dulot ng COVID-19, ngayon natin mas dapat bigyang-pansin ang pag-aalaga sa ating katawan. Kumain ng sapat at wastong pagkain lalo na iyong rich in Vitamin C. Uminom ng gatas at huwag na huwag kalilimutang uminom ng maraming tubig. “Prevention is better than cure.” Kaya mas mainam na alagaan ang sarili para maiwasan ang anumang karamdaman.

Matulog din sa wastong oras at huwag nang magpuyat para sa mga bagay na hindi dapat pag-aksayahan ng oras. Habang nababagot ka sa ilang araw na pananatili sa bahay, gawin mo na lang hobby ang pagkain ng marami.

 

  •  Maging alerto, alisto sa mga nangyayari

Manatiling maalam sa mga nangyayari sa araw-araw sa gitna ng coronavirus outbreak. Tumutok sa mga balita at sa social media para hindi nahuhuli sa mga pangyayari sa bansa. Ngunit iwasan din ang maniwala at magpakalat ng fake news online. Iwasang magkalat ng takot sa mga tao sa social media.

 

  •  Have time for devotion/ Pray everyday and night

Sa lahat ng mga nangyayari sa kasalukuyan, huwag kalilimutang manalangin umaga’t gabi. Bago matapos ang araw, mas mainam na idulog lahat sa Diyos ang mga nangyayari sa lipunan. Ipagdasal natin hindi lang ang ating pamilya, kundi ang buong mundo, ang Pilipinas, ang mga frontliners na hindi tumitigil para matulungang masugpo ang virus. Lagi nating ipamuhay na sa Diyos, walang imposible.

Asahan natin na mananatili ang ganitong sitwasyon sa mga susunod pang mga araw. At bilang responsableng mamamayan, magandang magsimula muna sa ating mga sarili ang pag-iingat lalo na sa panahon ng krisis. Huwag ding pamuhayan ng takot at pag-aalala, manatiling positibo na isang araw, babalik din sa normal ang lahat.

Huwag nating hayaang masayang ang oras sa kakaisip ng kung anu-anong negatibo na maaaring mangyari. Gawin nating kagamit-gamit ang bawat minuto hindi lamang para sa atin, ngunit para sa ikaaayos ng lahat.