10-anyos babae, namigay ng 1,500 art kits sa mga bata sa bahay-ampunan sa gitna ng pandemic

307
Instagram/@chelseascharity

Isang 10-taon-gulang na babaeng may malaking puso ang nagpadala ng 1,500 na art kit sa iba’t-ibang bahay-ampunan at homeless facilities sa United States.

Art ang naisip na pamamaraan ni Chelsea Phaire, founder ng Chelsea’s Charity, upang pasayahin ang mga kapwa niya bata sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Nagsimula ang kawanggawa ni Phaire noong Agosto nakaraang taon, kung kailan humiling siya ng art supplies sa kanyang kaarawan para ipamigay sa mga batang apektado ng insidente ng pamamaril sa paaralan.

Gumawa rin ng wishlist sa Amazon ang Chelsea’s Charity para sa mga taong gustong mag-donate ng supplies tulad ng crayons, color pencils, gel pens, sketchpad, at coloring books.

Bago pa lumobo ang kaso ng coronavirus, naglibot na sa mga paaralan at ampunan si Phaire at kanyang nanay para magdala ng art kits at kung minsan ay nagtuturo rin siya kung paano ipahayag ang sarili gamit ang sining.




“It means a lot because of the coronavirus. It’s just really nice to know kids are helping kids during this really stressful time. It really makes me feel happy,” sabi ni Phaire sa Fox News.

Mula naman nang mag-lockdown, nagpo-post na lang ng video message ang bata sa kanyang Instagram para sa mga nakatanggap ng handog niyang art kit.

“Art is important to me because no matter how bad I’m feeling… my art supplies are always there for me… so no matter what happens, know that art is a start!” saad niya sa isang video.